Stephaness Torres
Author
Hindi maitatanggi ang mga sakripisyong ibinibigay ng mga social workers araw-araw upang matugunan ang kanilang tungkuling makatulong at makapagsilbi sa kapwa, lalu na ang bulnerable at mahihirap na kababayan.
Ngunit sa panahong sila ang nakararanas ng mga hamon sa buhay, sino kaya ang tutulong sa kanila? Paano sila makakahingi ng tulong sa kapwa nilang social workers kung sila mismo ay nakararanas din na ng pagka-burnout?
Mahalagang matutunan ng social workers na pangalagaan ang kanilang mga sarili upang magampanan ang kanilang papel nang mas buo at epektibo. Bilang suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa social workers, sa pangunguna ng Learning and Development Team ng Program Management Bureau – Crisis Intervention Division (PMB-CID), isinagawa ang “Caring for the Carer’s Seminar and Workshop: Balancing Care and Self: Enhancing Well-being for Caregivers” noong Oktubre 4-6 sa Bolinao, Pangasinan.
Ang seminar na ito ay para sa social workers na nasa frontline ng pagbibigay ng agarang tulong sa mga taong nakararanas ng krisis.
Bilang isa sa may pinakamaraming kliyenteng pinagsisilbihan, inanyayahan rin ang social workers mula sa Field Office 1-Ilocos Norte -Crisis Intervention Section (FO I – CIS).
Sa pangunguna ng resource speaker na si Madonna Ang-Sundiam, isa ring social worker, freelance trainer, case manager, child protection consultant, propesor, at program chair ng Social Work sa City of Malabon University (CMU), nagkaroon ng pagkakataon ang DSWD social workers na ibahagi ang kanilang mga damdamin at pinagdadaanan.
Nagkaroon ng iba’t ibang workshop activities kung saan natutunan ng social workers na kilalanin at i-proseso ang kanilang mga emosyon na kadalasan ay nagiging dahilan ng stress at burnout.
Tinalakay din sa seminar ang tungkol sa emotional resilience. Ito ay hindi lang tungkol sa pag-iwas sa dahilan ng stress kundi sa pagkakaroon ng kaalaman at kakayahan kung paano ito harapin at epektibong i-manage.
Ang ganitong kakayahan ay nagbubunga sa mas mataas na kalidad ng serbisyo para sa mga kliyente at nagbibigay daan sa mas matatag na ugnayan sa kanilang mga pamilya at kaibigan.
Ibinahagi rin ni Ang-Sundiam ang iba’t ibang self-management at self-care strategies na makatutulong sa social workers sa kanilang pang araw-araw na pagharap sa mga indibidwal na dumaranas ng iba’t ibang uri ng krisis.
Pagkatapos ng workshop, mas naging handa na ang social workers at maging ang mga administrative staff na maglingkod at magbigay-serbisyo sa Crisis Intervention Division ng DSWD – Central Office,
nang may mas matibay na paninindigan at pinalakas na kabuuang kalusugan ng isip at damdamin.