
Nicole Paul T. Randa
Author
Noong Enero 25, 2025, tumungo ang team ng DSWD CO – CID sa Sta. Mesa, Manila upang magsagawa ng payout sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program. Binubuo ito ng mga social workers at admin staffs. Higit sa 500 na mga benepisyaryo, bawat isa ay may kanya-kanyang pangangailangan at sitwasyon, ang nakatanggap ng tulong pinansyal.
Ang payout na ito ay nagsilbing isang “lifeline” para sa mga pamilya at indibidwal na nahaharap sa mahirap na kalagayan. Marami sa kanila ang nahihirapang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang gastusin. Ang napapanahong tulong na ibinigay ng DSWD ay hindi lamang isang pinansyal na suporta kundi isang pinagmumulan din ng pag-asa para sa mga taong nasa matinding pangangailangan.
Upang mas maunawaan ng publiko ang tunay na layunin at epekto ng tulong pinansyal sa ilalim ng programa, nagsagawa kami ng mga interbyu sa tatlong tao na nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa DSWD. Isa dito ay si Danilo Vargas Jr., 50 taong gulang at nakatira sa Manila. Siya ay isang tricycle driver habang ang kanyang misis ang nag aasikaso sa kanila. Sila ay may tatlong anak at dalawa pa sa kanila ay nag-aaral. Ibinahagi ni mang Danilo na kadalasan ay hindi sapat ang kanyang kinikita sa araw-araw pamamasada lalo na sa patuloy na pagtaas ng bilihin and gastusin sa eskwela ng mga bata. Ibinahagi rin ni mang Danilo na siya ay may karamdaman sa puso kaya lubos na lamang ang kaniyang kasiyahan dahil ipapandagdag niya ito sa pambili ng kaniyang gamot.
Ang programang AICS ay hindi lamang nagbibigay ng agarang pinansyal na tulong; nag-bibigay din ito ng dignidad, kapanatagan, at pag-asa sa mga taong nahihirapan sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Nagpapatunay lamang na ang programang AICS ay alinsunod sa layunin ng departamento kung saan “Bawat Buhay Mahalaga sa DSWD”.