
Ara Niña G. Ponce
Author
Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD), sa pamamagitan ng mga kinatawan nitong sina G. Artemio E. Bautista, Project Development Officer V, bilang tagapagsalita, at sina Bb. Ara Nina G. Ponce at G. Joshua R. Rey, bilang mga kawani para sa teknikal na suporta mula sa Protective Services Bureau-Crisis Intervention Division (PSB-CID), ay lumahok sa Lay Fora ukol sa Multiple Myeloma na ginanap sa St. Elizabeth Seton Hall, San Juan de Dios Hospital, Pasay City. Ang kaganapang ito ay inorganisa ng Philippine Alliance of Patient Organizations (PAPO) at MyeSPEAK Philippines, Inc., na naglalayong magbigay-kaalaman tungkol sa multiple myeloma at magbigay ng impormasyon sa mga pasyente at mga stakeholder ukol sa medikal na tulong at mga umiiral na sistema ng suporta.
Mga Tampok na Pagtalakay:
Si G. Bautista ay nagbahagi ng presentasyon patungkol sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program sa sesyon na pinamagatang “How to Access Medical Assistance“ o “Paano Makakakuha ng Tulong Medikal.”
Inumpisahan ni G. Bautista ang sesyon sa pagbibigay ng kahulugan sa programang AICS. Kanyang binigyang-diin na ang programang ito ng gobyerno ay pinondohan upang matulungan ang mga taong lubhang nangangailangan. Ibinahagi rin niya na ang AICS ay ipinatutupad sa pamamagitan ng operasyon sa Onsite (sa mga itinakdang opisina) at Offsite (sa labas ng opisina o sa malalayong lugar), pati na rin sa Malasakit Centers.
Dagdag pa rito, tinalakay ni G. Bautista ang iba’t ibang uri ng tulong pinansyal na saklaw ng programang AICS, kabilang ang cash outright (direktang pagbibigay ng pera) o Guarantee Letter, pati na rin ang tulong pinansyal, medikal, transportasyon, pampalibing, at pangkain. Tinalakay rin niya ang mga pamantayan at kaukulang dokumento para sa mga pasyente, partikular ang mga dumaranas ng matagalang sakit tulad ng cancer. Binanggit din niya na ang pamilya, kamag-anak, o tagapag-alaga ng mga pasyenteng naka-admit sa ospital ay maaaring humingi ng tulong pangkain, na binibigyang halaga ang maagap na tugon ng Kagawaran sa mga kliyente nito.
Ang presentasyon ni G. Bautista ay muling nagpaalala sa dedikasyon ng Kagawaran sa “maagap at mapagkalingang serbisyo”, lalo na sa mga mahihirap, bulnerable, at disadvantaged na sektor na may kinakaharap na problema sa kanilang kalusugan, tulad ng cancer.
Ang forum din na ito ay nagtampok ng mga mahahalagang talakayan mula sa mga kinatawan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), PhilHealth, at Kagawaran ng Kalusugan (DOH), na nagbigay ng isang buo at makabuluhang talakayan upang ipagbigay-alam sa mga dumalo ang mga umiiral na suporta at serbisyong pangkalusugan.
Mga Opinyon, Suhestiyon, at Rekomendasyon:
Sa palitan ng opinyon sa pagitan ng mga lumahok at mga kinatawan ng gobyerno, ipinaabot ng mga cancer patients at survivors ang kanilang pasasalamat sa DSWD at iba pang mga Pambansang Ahensya ng Pamahalaan (NGAs) sa kanilang inilaan na oras sa pakikilahok. Naging bukas sila sa pagbabahagi ng kanilang mga pananaw ukol sa kanilang karanasan sa kung paano gumagana ang mga tulong ng gobyerno sa mga sumusunod na pananaw:
Para sa lahat ng NGAs: Iminungkahi ng mga kliyente ang paglikha ng isang centralized database o sistema upang ma-imbak at mabilis na makuha ang mga impormasyon at dokumento ng mga kliyente. Ito ay upang maiwasan ang pangangailangan ng mga pasyente na paulit-ulit na magsumite ng magkaparehong dokumento kapag kumukuha ng serbisyo mula sa parehong opisina.
Para sa MyeSpeak: Iminungkahi ang pagtatalaga ng isang navigator sa mga institusyong pangkalusugan na gagabay sa mga kliyente kung saan makakakuha ng partikular na tulong mula sa gobyerno.
Para sa DOH: Isang pasyente ang nagmungkahi na ang ilang mga gamot na kasalukuyang available lamang sa Globo Asiatico Enterprises, Inc. ay gawing available din sa Philippine General Hospital (PGH), kung saan maraming pasyente ang sumasailalim sa chemotherapy.
Ang mga pagbabahaging ito ay mahalaga at nararapat isaalang-alang para sa mga susunod na pagbuo ng mga polisiya at pagpapabuti ng AICS. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng pagpapadali ng mga proseso ng gobyerno upang mabawasan ang pasanin ng mga kliyente, lalo na ang mga may malubhang karamdaman.
Sa kabuuan, ang paglahok ng DSWD sa Lay Fora ukol sa Multiple Myeloma ay muling nagpatibay ng mahalagang papel nito sa pagsuporta sa mga indibidwal na dumaranas ng krisis sa kalusugan. Sa pamamagitan ng AICS Program, ang Kagawaran ay nagbibigay ng suporta sa mga pasyente na may cancer upang matiyak na walang pasyente ang hindi matutulungan dahil sa kakulangan sa pinansyal. Ang aktibidad na ito ay matagumpay na nagpaigting ng kolaborasyon sa pagitan ng mga ahensya at nagpabuti ng kamulatan ng komunidad sa mga serbisyo ng gobyerno.